as he makes beautiful what he loves." -Ernest Renan
Sugar Cane Love Story - an excerpt
Thursday, October 1, 2009
Huwag mo akong gawing tanga.
“Ganito ang gawin natin. Hatiin natin ang mga bilihin para mapadali tayo. Eto ang bilin mo,” anang binata na hinati ang hawak nitong papel at inilagay sa palad niya.
Malakas niyang binasa ang mga nakasulat duon. “Kamatis, sibuyas, bawang. Galunggong?”
“May angal ka?” dumukot ito sa bulsa at naglabas ng limang daang piso.
Umiling siya. “Gaano kadami?”
“Kalahating kilo ang sabihin mo pero humingi ka ng dagdag.”
Natigilan siya. Hihingi pa ko ng dagdag para sa gulay? Nagpapatawa ba itong halimaw na ito? “Dagdag?”
“Makipagbaratan ka pa kung gusto mo sa presyo.”
“Gulay lang babaratin ko pa?” nakasimangot na napahalukipkip siya.
“Galunggong ang pinag-uusapan natin Sugar.”
“Oo nga. Alam ko.”
Nakita niya nang naguguluhang sa iba nito ibinaling ang paningin. Sa tingin niya ay binabalikan nito ang mga isinagot niya.
“Alam mo ba kung ano ang galunggong?” nakakunot ang noong muli siyang binalingan ng binata.
Puno ng kumpiyansang tumango siya. Ginagawa ba akong tanga nito? Of course, alam ko iyon.
“Ano ang galunggong?” hindi nakaligtas sa kanya ang isang nagbabantang ngiti sa labi nito.
Iritadong iningusan niya ang binata.
“Huwag mo akong gawing tanga.”
Tuluyang nang lumabas ang sinusupil nitong ngiti. “Bakit ayaw mong sagutin ang tanong ko?”
“Kasi walang sense ang tanong mo. Ginagawa mo lang akong walang alam.” Pero dahil sa tanong ng binata ay napaisip siya. Tama namang gulay ang galunggong, ‘di ba? Iyun iyong madalas na ulam ng mga katulong nila sa bahay. Pa-adobo pa nga ang luto, eh. Tama naman. Tama nga ba?
“Sige. Sasamahan kita. Ituro mo sa akin kung ano ang itsura nang galunggong,” hamon ng binata sa kanya na iminuwestra pa ang palad sa daan at pinauuna siya.
Pinagtitripan ba ako nito? Matagal siyang nakipagtitigan dito bago padabog na nanguna na sa paglalakad. Dahil sa wala naman siyang alam sa kung saan pupuntahan ang hinahanap ay halos nagpaikot-ikot pa sila sa loob ng palengke bago niya nagawang makita ang sadya.
Pasimpleng sinulyapan niya ang binata na kagat-kagat ang pang-ibabang labi sa pagpipigil na matawa.
Napapahiyang itinaas niya sa mukha nito ang nasa kamay na mga dahon. “Galunggong.”
Malakas na pagtawa ang isinagot nito sa kanya. Sa mata ay nangingislap ang nangingilid nitong luha.



Nakakatawa sya super pero kinikilig ako ng hindi ko alam.
Posted by tinstar at December 17, 2009, 8:17 pm